Ang bawat kulay ay may kanya-kanyang kahulugan at interpretasyon. Ginagamit ang kulay bilang simbolo ng mga bagay. Katulad ng sa watawat ng Pilipinas. Blue, red, yellow at white. Blue o asul para sa kapayapaan. Red o pula para sa katapangan at white o puti para sa pagiging malinis sa isip, salita at sa gawa. Syempre ang kulay yellow o dilaw ay ang mismong kulay ng araw at hindi ang pamilyang Aquino.
Nitong mga nakaraang buwan, nangibabaw ang kulay na PINK o yung mala-rosas. Ang kulay pink ang sumisimbolo ng pagiging mahinhin para sa mga kababaihan. Pink ang kulay ng kanilang mga bag. Pink din kung minsan ang kanilang suot, pati na ang panty at bra. Pink ang kulay ng kanilang accessories sa katawan mula ulo, dibdib, braso, sinturon, kuko sa kamay hanggang sa kuko sa paa. May international singer din na ang pangalan ay Pink (Raise Your Glass). Pink din ang kulay ng kanilang mga contact lenses (pwera na lang kung na-sore eyes ka talaga). Pink ang kulay ng lipstick ni Nicki Minaj. Pink din ang nangingibabaw kung tayo'y kinikilig at nagba-blush. Pink sa kababaihan.
Noong unang panahon (yung matagal na matagal na), sinasabi na ang kulay pink ay sumisimbolo raw ng pagiging tunay na lalaki. Yung masculine na masculine at brusko, yung machong-macho. Yung walang kinatatakutan at inuurungan. Pink ang nagiging batayan ng isang lalaki dahil hindi siya takot tawaging beki dahil naka-pink siya.
Pink ang kulay ng suot ng mga nagbugbugan sa NAIA Terminal 3 noong mga nakaraan. Pink, na gamit sa paglalarawan ng mga kawani ng media sa kanilang balita. Pink na may pagka-violet din ang kulay ng suot ng isang motorista na nanakit at nanduro sa isang MMDA Traffic Enforcer nitong nakaraang linggo. Ang motorista na nagtatrabaho sa isang kompanya ng sigarilyo. Mayaman at respetado. Ang MMDA Traffic Enforcer, tatay na, nanay pa. Nag-iisang tumataguyod sa kanyang anim na babaeng anak.
Ang motoristang naka-pink at ang aktor at aktres, pati na rin yung journalist, ay simbolo sa lipunan kung gaano kahalaga ang kulay na pink. Tandaan, sa susunod, 'pag mainit ang ulo, 'wag magsuot ng pink, mag-sando ka na lang.